MANILA, Philippines - Umaabot sa 36 bandidong Abu Sayyaf at apat na sundalo ang napatay habang 78 pa ang nasugatan kabilang ang 44 government troopers sa opensiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) umpisa nitong Enero ng taong ito.
Ayon kay Brig. Gen. Joselito Kakilala, AFP spokesman, determinado ang AFP troops na lipulin ang mga bandido sa itinakdang palugit ni AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang na hanggang tatlong buwan.
Nitong nakalipas na linggo ay muling ipinag-utos ni Catapang ang pinaigting na all out offensive laban sa Abu Sayyaf sa Basilan at Sulu gayundin sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Justice Islamic Movement (JIM).
Inihayag rin ni Kakilala na nasa mahigit 70 ang nasawi habang 200 naman ang nasugatan simula ng maglunsad ng opensiba ang ASG nitong huling bahagi ng 2014 na isinagawa upang sagipin ang nalalabi pang mga hostages sa lalawigan ng Sulu.
Simula noong Nobyembre at Disyembre 2014 ay nasa 33 bandido at mga sundalo ang napatay habang 67 naman ang nasugatan.
Sa Central Mindanao, limang miyembro ng BIFF ang napatay at walo naman ang nasugatan sa bakbakan sa tropang gobyerno noong Pebrero 27, 28 hanggang Marso 2.
Ayon pa kay Kakilala, nasa 50 BIFF members din ang napatay at nasugatan sa artillery rounds na pinakawalan ng tropang gobyerno sa pinagkukutaan ng mga ito nitong Pebrero.
“The MILF has supported our ongoing operations and they have voluntarily relocated to an ‘Area of Temporary Stay’ away from the affected areas,” anang opisyal.
Sa kasalukuyan ay nakapokus ang operasyon ng tropang gobyerno sa SPMS box area na kinabibilangan ng Salvo, Pagatin, Mamasapano at Shariff Aguak upang mapigilan ang mga ito na makapaghasik ng terorismo tulad ng pambobomba.