3 Malaysian JI terrorists kinakanlong ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Tatlong kilabot na Malaysian Jemaah Islamiyah (JI) terrorist ang naispatan ng assault team ng Army troopers na umaayuda sa mga bandidong Abu Sayyaf Group sa bakbakan kaugnay ng inilunsad na all out offensive ng militar sa Sulu.

Sinabi ni Capt. Rowena Muyuela, spokesperson ng AFP-Western Mindanao Command, nakarating na sa kanilang tanggapan ang report mula sa ground troops mula sa Sulu.

“The military received information that 3 Malaysian Jemaah Islamiyah operatives were seen in today’s clash in Patikul, Sulu,” ani Muyuela. Ang JI ang Southeast Asian base terror network na naitatag ng Al Qaeda.

Kahapon dakong alas-9:15 umaga ay muling nakasagupa ng 14th Scout Ranger Company  (src) ang grupo ni Sayyaf sub-commander Sawadjaan sa Sitio Kanjimaw, Brgy. Tugas, Patikul, Sulu.

Tumagal ang labanan ng mahigit 15 minuto. 

Bineberipika pa ang napaulat na sugatang nakatakas si Sawadjaan.

Sa kasalukuyan ay nasa 16 na ang nasawi sa all out offensive ng Joint Task Group (JTG) Sulu sa pamumuno ni Col. Alan Arrojado laban sa Abu Sayyaf na nag-umpisa kamakalawa.

Sa 16 nasawi, dalawa rito ay mga sundalo at 14 bandido habang 35 ang nasugatan kabilang ang 19 sa Abu Sayyaf at 16 sa hanay ng gobyerno.

Show comments