MANILA, Philippines - Makabuluhang kaunlaran ang pangako sa Bicol Region at iba pang bahagi ng Luzon ng P104-billion South Railway project na inaprubahan na kamakailan ng National Economic Development Authority (NEDA) Board.
Ang proyekto ay matiyaga at masugid na isinusulong ni Albay Gov. Joey Salceda, chairman ng Bicol Regional Development Council (RDC) at ng Luzon Area Development Coordinating Council (LADCC).
Ang 653-kilometrong South Railway mula Manila hanggang Legazpi City sa Albay ay bahagi ng P117.3-billion North-South Commuter Railway project at P170-billion North-South Railway Project. Ipatutupad ito sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) scheme.
Ayon kay Salceda, napakahalaga ng South Railway project sa Kabikulan dahil mapapasigla nito ang rural tourism, mapapalakas ang kakayanang makipagtagisan ng husay ang Bicol labor at magkakaroon ng “multi-modal transport means” para mapakalat ang mga produkto ng Bicol sa buong Luzon at iba pang rehiyon.
Layunin ng North-South Luzon Railways plan na buhayin muli ang dating Manila-Albay rail route. Katuwang sa pagtulak nito at ng Luzon 2054 Plan ang LADCC na si Salceda rin ang chairman. Saklaw ng LADCC ang 38 lalawigan at 771 lungsod at bayan sa Luzon.