3 babae patay sa Makati boarding house fire
MANILA, Philippines – Hindi na matutuloy pa ang kindey transplant ng isang babae matapos masawi nang masunog ang tinutuluyang boarding house sa lungsod ng Makati ngayong Biyernes.
Ayon sa Makati Fire Department bandang alas-2 ng madaling araw kanina nang masunog ang dalawang palapag na boarding house sa Barangay Pio del Pilar.
Tatlong babae ang nasawi, ngunit tanging isa lamang ang nakilala sa pangalang “Elvie” habang dalawa ang sugatan sa insidente.
Isinugod sa Ospital ng Makati sina Romeo Guilmar, 21, na nagtamo ng third degree burns, habang first-degree burns naman ang sinapit ng 28-anyos na si Ryan Perez.
Napag-alamanang nakatakdang sumailalim sa kidney transplant ang isa sa mga nasawing biktima, habang si Elvie ang magiging donor.
Tumagal ng dalawang oras ang sunog na umabot sa ikalawang alarma bago naapula ng mga bumbero bandang alas-4 ng umaga.
Ayon sa mga imbestigador ay luma na ang boarding house na halos gawa sa kahoy.
Sinasabing ang nag-over heat na electric fan ang pinagmulan ng sunog.
- Latest