MANILA, Philippines – Umapela si Justice Secretary Leila de Lima sa mga telecommunications company na maglagay ng safety features sa mga cellphones upang mabigyan ng proteksiyon ang mga user.
Ayon sa kalihim, ang ‘kill-switch feature’ ay isang software na maaaring ma-activate kahit nasa ibang lugar kapag ang cellphone ay nawala o kaya ay nanakaw.
Sa sandaling ma-activate ang kill-switch, mawawala ang lahat ng mga data na naka-save sa cellphone, mamamatay din ang telepono at hindi na maaring magamit pa.
Pinaliwanag pa ni de Lima na hindi na kailangan ang legislation o idaan pa sa Kongreso ang paggamit ng kill-switch dahil ito ay dapat na pananagutan ng mga telcos para maiwasan ang krimen at matiyak na ang teknolohiya ay nagagamit sa pagtugon sa mga isyung may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod nang naging tagumpay ng pilot project sa London at dalawang malaking lungsod ng United States kung saan napatunayan na malaki ang binaba (o umabot lamang sa 40 percent) sa nakawan ng mga cellphone mula nang ilagay ang ‘kill-switches’.