MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ngayong Martes na mayroong American troops sa operasyon ng Special Action Force laban kay Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao.
Sinabi ni PNP spokesperson Senior Superintendent Generoso Cerbo Jr. na pawang mga SAF lamang ang tumugis kay Marwan nitong Enero 25.
"Talagang solely SAF lang nag operate dito sa Mamasapano. Walang na-involve direct involvement ng US except for medical and rescue," pahayag ni Cerbo.
Hindi naman itinanggi ni Cerbo na tumutulong ang Amerika sa Pilipinas sa pamamagitan ng training at information sharing.
"Di lang US but other countries as well. Nagre-receive support PNP in terms of equipment, capability enhancement, training saka info sharing, meron tayong ganyan arrangement with ASEAN countries, mga kapitbahay natin. Bilateral, trilateral. Itong mga suportang ito di tinatago," dagdag ng tagapagsalita.
Gumugulong pa rin ang imbestigasyon ng PNP Board of Inquiry sa insidente, habang may hiwalay ding pagdinig ang Senado at Kamara.
Umabot sa 67 katao ang nasawi, 44 dito ang mga pulis, habang ang iba ay mula sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.