Black sand mining magpapatuloy dahil sa ‘great wall’
MANILA, Philippines – Nagbabala ang mga residente ng tatlong barangay sa Lingayen, Pangasinan na magpapatuloy ang umano’y illegal black sand mining sa kanilang lugar kapag hindi binuwag ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang tinaguriang ‘great wall’ sa Lingayen.
“Hindi na nakita ng mga residente ng mga barangay ng Estanza, Sabangan at Maimpuec ang karagatan. Nagkaroon naman ng black sand mining na maaaring magpatuloy hangga’t hindi binubuwag ang itinayong pader doon,” babala ni Rolande Rea na isa sa mga nagsampa ng reklamo laban kay Pangasinan Governor Amado Espino Jr. kaugnay ng minahan.
Ipinaliwanag ni Rea na hinihiling nila sa DENR na agad ipabuwag ang anim na talampakang pader na itinayo ng pamahalaang lokal doon dahil ikinukubli nito ang operasyon ng umano’y illegal black sand mining.
Idiniin ni Rea na, dahil walang permiso ng DENR bukod sa walang ECC ang magnetite mining at mga kaugnay na istruktura rito tulad ng tinatawag na Great Wall of Lingayen, dapat nang ipabuwag agad ito.
Nagbabala siya na, kapag hindi binuwag ng DENR ang naturang pader, magsasampa sila ng kaso para idemolis ang iligal na istruktura.
Ipinahiwatig din ni Rea na, dahil sa naturang pader na 24 oras araw-araw guwardiyado ng mga armadong tao, hindi na makapunta ang mga residente sa karagatan na pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.
- Latest