15-day ultimatum hiling ni Revilla armas ng SAF isoli o ibasura ang BBL
MANILA, Philippines – Dapat na umanong bigyan ng pamahalaan ng 15-araw na ultimatum ang Moro Islamic Liberation Front para ibalik ang lahat ng armas at mga personal na gamit ng Philippine National Police-Special Action Force at isuko ang mga miyembro ng MILF na responsable sa pagpaslang sa 44 miyembro ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang buwan.
Ito ang ipinanawagan ni Senador Ramon “Bong’ Revilla, Jr. na isa ring honorary member ng PNP-SAF.
Ayon kay Revilla, na kilalang malapit sa mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao, dapat nang ibasura nang tuluyan ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL kung hindi tatalima ang MILF sa naturang kundisyon.
“Kailangan ipakita ng MILF ang kanilang sinseridad sa usaping pangkapayapaan,” ani Revilla. “Ang estado ang may kapangyarihan sa bayang ito at hindi kung sinu-sinong grupong armado. Hindi tayo habambuhay na maghihintay kung kailan konbinyente para sa MILF na ibalik ang armas at isuko ang mga kriminal nilang kasamahan,” sabi pa ng senador.
Idiniin ni Revilla na, bagaman suportado niya ang pagkakamit ng tunay na kapayapaan, hindi dapat maging hostage ng anumang grupo ang pamahalaan.
“Nananawagan tayo sa MILF at gobyerno na ikinonsidera ang kapakanan ng mga kapatid nating Muslim na walang kinalaman sa BBL o MILF. Alam ko na mas marami pa rin ang mga Muslim na naghahangad ng kaayusan at kaunlaran sa Mindanao kaya kailangan talaga natin ng pangmatagalan at totohanang kapayapaan,” sabi ng senador sa isang pahayag.
Umapela rin si Revilla sa peace panel ng pamahalaan na itigil muna ang pakikipag-usap sa MILF habang hindi pa nakakatupad ang mga ito sa mga kundisyon ng pamahalaan.
Hinamon niya si MILF Chairman Al Haj Murad Ibrahim na isumite sa Senado ang mga pangalan at larawan ng mga responsable sa pamamaslang sa SAF 44 upang masimulan din ng mga awtoridad ang pagbusisi sa mga criminal records ng mga ito.
“Nirerespeto natin ang internal investigation na isinasagawa ng MILF pero sa tingin natin, hindi sila ang dapat magdikta ng timeline kung kailan nila ito gustong tapusin. Mananatiling nakaluksa ang bayan kung patuloy na makikipagmabutihan ang gobyerno sa mga pumatay sa ating mga bayaning pulis,” sabi pa ni Revilla.
- Latest