Singil sa kuryente tataas ng P0.84/kwh

MANILA, Philippines – Matapos ang bigtime oil price hike, magpapatupad ang Meralco ngayong buwan ng P0.84 kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente o katumbas ng P168 na dagdag sa bill ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Ang mga kumukonsumo naman ng 300 kWh ay madaragdagan ng P252 na bayarin sa kanilang monthly bill, P335 naman para sa 400 kWh users at P419 sa 500 kWh.

Ayon kay Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, ang dagdag na singil sa kuryente ay bunsod nang pagtaas ng generation charges ng P0.52 per kWh, pagtaas ng transmission charges ng P0.12/kWh, mga buwis na tumaas ng P0.08/kWh at iba pang bayarin tulad ng system loss charge at lifeline subsidy na tumaas ng P0.08 per kWh.

Madaragdagan rin umano ang bill ngayong buwan ng bagong line item na tinatawag na FIT-All (Renewable) na umabot sa P0.04 per kWh.

Nilinaw naman ng Meralco na hindi sila nagtaas ng distribution charge.

Show comments