Ika-2 pahayag ni PNoy sa Mamasapano clash mamaya
MANILA, Philippines – Muling magbibigay ng pahayag sa publiko mamayang gabi si Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng pagkasawi ng 44 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sinabi ng Malacañang na haharap sa publiko si Aquino mamayang 6:30 ng gabi.
Inaasahang talakayin ng Pangulo ang umano'y pangunguna ni suspended PNP Chief Alan Purisima sa operasyon ng SAF sa Maguindanao.
Si Purisima umano ang nagplano ng pag-atake ng SAF laban sa Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir alysa Marwan.
Sa naunang pahayag ni Aquino nitong Enero 28 ay sinabi niya na tumulong si Purisima sa pagpaplano ng operasyon bago suspendihin ng Ombudsman nitong Disyembre.
Ayon sa isang source ay aakuin na ni Aquino ang lahat ng sisi upang matapos na ang isyu.
Samantala, kinumpirma naman ni Purisima ang kanyang pagdalo sa imbestigasyon ng Senado sa insidente.
Nakatakdang simulan ng Senado ang kanilang pagdinig sa Enero 9.
- Latest