Dayuhan sa black sand mining arestuhin - Bureau of Mines and Geosciences Bureau
MANILA, Philippines - Ipinaaaresto ng Bureau of Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang nasa likod ng umano’y illegal mining activities na kinasasangkutan umano ng mga Indian nationals na sinasabing nakapagbenta ng may 33,330 metric tons ng black sand kahit walang permiso mula sa dati nilang kumpanya.
Ito ay makaraang ipangako ni MGB director Leo Jasareno na hindi sila titigil na masabat ang naturang mga dayuhan kapag napatunayang may sapat na ebidensiya kaugnay ng illegal na aktibidad sa San Marcelino, Zambales.
Sinasabing ang Indian nationals na sina Maqsood Ahmed Khan at Koyanna Venugopal Krishna Reddy, pawang mula sa Bangladore India ay iniimbestigahan ng mga otoridad nang ang kanilang pangalan ay kabilang sa sinasabing nasa likod ng pagbebenta ng black sand mula sa naturang lugar na nakasaad naman sa reklamo na naipadala ni Atty. Argee Guevarra noong January 12, 2015 kay Executive Sec. Paquito Ochoa Jr.
Giit ni Atty. Guevarra na maimbestigahan agad ang naturang mga dayuhan dahil sa posibleng paglabag sa money laundering law nang malaman na si Khan ay nagsabing nakapagbenta sila ng 33,330 metric tons ng black sand sa China at ang napagbentahan ay napunta sa Mali.
Ani Guevarra, malaki ang kanilang paniwala na ang naturang mga dayuhan ay may kaugnayan sa isang foreign threat organisation na nakabase sa Mali nang aminin nilang ang pera na napagbentahan sa buhangin na may halagang US$6 milyon ay ginamit bilang umano’y protection money para maiwasang maharas ng teroristang grupo.
- Latest