DOH nagpaalala sa mga nabasa sa ulan at napuyat sa 2 Pope event
MANILA, Philippines – Pinayuhan kahapon ni Health spokesman Dr. Lyndon Lee-Suy ang mga taong dumagsa sa magkasunod na Pope event kahapon na magpahinga at agapan ng lunas sakaling may maramdamang sakit tulad ng lagnat, ubo at sipon dahil sa matinding pagod, puyat at ginaw.
Maari umanong magkasakit ang ilan lalo na ang mga bata, matatanda at yung may mahihinang resistensiya dahil bukod sa malamig na ang panahon, nababad pa sa ulan kasabay ng matinding pagod.
Sakaling napagod at napuyat, dapat aniya, na makabawi sa pagpapahinga ang katawan upang hindi tuluyang magkasakit.
Dapat din aniyang, sapat ang pagkaing masustansiya, pag-inom ng bitamina, tubig at juice at sapat na tulog.
“Huwag nating sagarin ang ating katawan, kapag napagod at basa na sa ulan ay magpalit na at magpahinga at bawian agad ng masustansyang pagkain at makatutulong din ang pag-inom ng vitamins,” pahayag ni Lee Suy.
Kung nabasa umano ng ulan, hindi naman kailangang uminom ng paracetamol kung walang lagnat dahil lalong bababa ang temperature ng katawan.
Magpakonsulta sa doktor bago uminom ng anumang uri ng gamot sa sipon at ubo.
- Latest