Private plane ng Cabinet secs sumadsad sa Tacloban Airport

Ang sumadsad na private plane sa Tacloban airport. Lulan nito ang ilang opisyal ng gobyerno. WIRES

MANILA, Philippines – Sumadsad sa runway ng Tacloban Airport ang private plane na sinasakyan ng ilang opisyal ng gobyerno na kasama sa Pope entourage kahapon.

Ligtas naman ang lahat ng sakay nito kabilang sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Presidential Communications Sec. Sonny Coloma, Undersecretary Manny Bautista at Felizardo Serapio. May walo pang staff members at tatlong crew members na lulan nito.

Ilang minuto matapos lumipad ang eroplanong sinasakyan ni Pope Francis, nagtangka ring lumipad ang private plane sa kabila ng masamang panahong dala ng bagyong Amang pero sumadsad ito.

Sa panayam kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, sumabog umano ang gulong ng Global Express plane kaya ito nagkaaberya.

Nasiyahan naman si Pangulong Aquino na ligtas ang mga sakay ng nasabing eroplano. Ipinag-utos na nito sa Civil Aviation Authority of the Philippines na imbestigahan ang pangyayari.

Show comments