MANILA, Philippines - Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang tropical storm Amang na sinasabing magpapa-ulan sa pagbisita sa ating bansa ni Pope Francis.
Ayon sa Pagasa, napanatili ni Amang ang kanyang lakas habang patuloy ang pagkilos sa may Philippine Sea.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Amang ay nasa layong 905 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras at may pagbugso na 80 kilometro bawat oras.
Si Amang ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 19 kph.
Ngayong Biyernes ng umaga, si Amang ay inaasahang nasa layong 615 km silangan ng Catarman, Northern Samar at sa Sabado ay nasa 230 km silangan ng Virac, Catanduanes.
Sa Linggo ng umaga inaasahang si Amang ay nasa layong 180 km silangan ng Casiguran, Aurora.
Bunga nito, sa pamamalagi ni Pope Francis sa bansa partikular sa Luzon at Visayas ay uulanin dulot na rin ng dalang ulan ng bagyo.