MANILA, Philippines – Kung nagawa ng South Korea ang mahigpit na disiplina sa pagbisita ni Pope Francis sa kanilang bansa ay kaya rin itong gawin ng mga Pinoy.
Ginawa ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor ang pahayag sa gitna na rin ng patuloy nitong apela sa publiko na manatiling kalmado at tiyakin ang kaayusan sa panahon ng pagbisita ng Santo Papa.
Idinagdag pa ng opisyal na magandang pagkakataon na ipakita at patunayan ng mga Pinoy na kaya nilang tumalima sa regulasyon lalo na at nakamasid ang buong mundo sa panahong si Pope Francis ay naririto sa Pilipinas.
Ayon naman kay Sen. Koko Pimentel, magiging matagumpay ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa kung makikiisa ang lahat at magpapakita ng ibayong disiplina upang mas maging sagrado ang misa at mga public engagements ng pinakamataas na lider ng Simbahang Katoliko sa bansa.
Inaasahan na aniya ang pagdagsa ng milyon-milyong deboto sa mga misang pangungunahan ni Pope Francis kaya napakahalaga ng pakikiisa at pagpapakita ng disiplina ng lahat.
Naniniwala si Pimentel na hindi kakayanin ng gobyerno ang lahat kung hindi makikipagtulungan ang mga mamamayan upang maiwasan ang hindi magandang pangyayari katulad ng pagkakaroon ng stampede o pagkakagulo.