MANILA, Philippines – Pinangunahan kahapon ng umaga ni Pangulong Benigno Aquino III ang taunang vin d’ honneur sa Malacañang na dinaluhan ng Diplomatic Corps.
Kinilala ni Pangulong Aquino sa traditional toast ang pagtutulungan ng ibang bansa upang mapanatili ang katahimikan sa buong mundo sa kabila ng mga mabibigat na problema.
Aniya, sa halip na matakot o maduwag ay nanatiling matatag at hindi nawalan ng pag-asa ang mga bansa para magkaisa at magkapit bisig upang matugunan ang paghihirap at pagkabalisa ng mga mamamayan.
Tinukoy ng Pangulo ang ibat-ibang hamon sa mundo, gaya ng global climate change, banta ng ebola at mers corona virus, presyo ng produktong petrolyo at inihahasik na terorismo ng iba-t-ibang extremist groups.
“Having said this, we must also never forget how the vast majority of the world has responded to such trials. Instead of being daunted or wallowing in fear, we have chosen to hope. Instead of being divided by hatred, we have chosen to stand together and link arms, in order to alleviate the suffering and despair of others,” ayon kay PNoy.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa miyembro ng diplomatic community at international organizations sa malaking naiambag sa pagtulong sa mga biktima ng mga kalamidad sa bansa, gaya ng super typhoon Yolanda, Hagupit at lindol sa Bohol at Cebu.
Nakagawian ang pagtitipon tuwing bagong taon na pinasimulan ng american governor general at itinuloy naman ni dating President Manuel Quezon at ng mga sumunod na Pangulo.