PCOS machines 25 taon pakikinabangan – Brillantes
MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes Jr. na makikinabang ang taumbayan partikular na ang mga botante sa desisyon ng poll body na gamiting muli ang precinct count optical scan (PCOS) machines hanggang apat pang national elections.
Ayon kay Brillantes, ang Smartmatic’s PCOS machines ay patuloy na ginagamit sa United States (US) dahil itinayang tatagal ang mga ito nang 17 hanggang 25 taon.
“Sana nga’y mabuhay pa ako nang matagal pa upang pakinabangan ko ang napakahusay na PCOS machines na ito. Nakatulong ang mga ito upang mareporma ang ating dating magulong sistema ng eleksiyon,” pahayag ni Brillantes.
Binalak ng Comelec na bumili ng mga mas makabagong voting machines ngunit nagtipid ang Department of Budget Management (DBM) ay tumangging ibigay ang kakailanganing P32 billion sa pagbili.
Sa halip, inirekomenda ng Comelec advisory council (CAC) na ipa-refurbish ang PCOS machines para magamit sa 2016 national at local elections.
“Inupahan namin yan sa halagang P7 billion with option to purchase for P1.8 billion. Noong 2013, lahat ng 80,000 PCOS ay pag-aari na ng Comelec. Nabigyan kami ng P17 billion para makabili ng karagdagang 23,000 machines para makaboto ang mga bagong botante,” sabi ni Brillantes.
“Dahil sila (Smartmatic) ang exclusive manufacturer at supplier ng mga machines, di na kakailanganin ang bidding. Isa pa, buo ang tiwala namin sa Smartmatic,” pagdidiin pa ng poll body chief.
Wala na ring sapat na panahon kung maaantala pa ang pagrerebisa sa mahigit 81,000 PCOS machines, ayon kay Brillantes.
“Magiging delikado kapag ang refurbishing job ay ibinigay sa iba pang kumpanya samantalang ang Smartmatic na siyang may-gawa nito ang nakakaalam kung paano magawa nang maayos ang anumang maging problema,” paliwanag pa niya.
- Latest