Terminal fee nakakasama sa OFW
MANILA, Philippines – Malamang babawiin sa pinagsamang airport terminal fee at airline ticket ang pagkakatanggal ng fuel surcharge sa mga kumpanya ng eroplano at nakakasama naman ito para sa mga overseas Filipino worker.
Ito ang ipinahayag nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate. Sinabi ng una na isasama niya ang usaping ito sa adyenda sa pagdinig sa Kongreso sa Enero 20, 2015.
Tinutukoy ni Colmenares ang P550 terminal fee na isasama sa halaga ng tiket sa eroplano at ipapatupad ito ng Manila International Airport Authority mula sa Pebrero 1. Bukod anya sa babawiin dito ang nawalang singil sa fuel surcharge na bunsod ng pagbaba ng presyo ng langis, apektado dito ang mga OFW.
“Maraming taon nang isinasagawa ang paniningil ng terminal fees pero wala pang datos kung saan ito napupunta. Hihingin namin ang accounting sa lahat ng airport fees sa iba’t-ibang probinsiya at ang dahilan ng patuloy at paglaki ng koleksyon sa terminal fee. Naglalaan ang General Appropriation Act ng badyet para sa paliparan kaya hindi kailangang maningil ng terminal fee,” dagdag ni Colmenares.
Ayon naman kay Zarate, kung pagbabatayan ang palpak na mga serbisyo at pasilidad sa mga airport, hindi talaga dapat maningil ng terminal fee ang MIAA at ang Department of Transportation and Communications.
- Latest