MANILA, Philippines – Ikinasa na rin ng mga awtoridad ang paglalatag ng mga checkpoints at pagpapakalat ng route security sa lugar na daraanan patungo sa mga venue na tutunguhin ni Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa susunod na linggo.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bahagi ito ng pagpapalakas ng seguridad upang matiyak ang mapayapang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas.
“Maglalagay po tayo ng mga checkpoints kaya naghihingi po kami ng paunawa sa publiko na sana po hindi ito gamiting dahilan para magalit sa ating pamahalaan dahil ito po ay mga measures na dapat nating gawin para maging maayos ang ating kalakaran sa pagsagawa ng public events,” sabi ni Padilla.
Sinabi ng opisyal na ang mga checkpoints na babantayan ng pinagsanib na operatiba ng military at pulisya ay ipakakalat sa mga istratehikong lugar sa mga daraanan ni Pope Francis o patungo sa mga venue na tutunguhin nito.
Kabilang sa mga bibisitahin ng Santo Papa na mahigpit na babantayan ang Nunciature Area sa Taft Avenue, Manila; Malacañang Palace; Manila Cathedral; SM Arena Mall of Asia; Villamor Airbase, Pasay City; University of Sto Tomas; Quirino Grandstand sa Luneta; Tacloban City at Palo, Leyte. Ang naturang mga lugar ay idineklarang gun free zones ng Philippine National Police.
Nasa 42,000 security forces mula sa PNP at AFP ang ipapakalat sa papal visit sa lahat ng mga venues na tutunguhin ng Santo Papa habang nasa 100 ring snipers ang ipupuwesto sa mga matataas na gusali sa Roxas Boulevard patungong Quirino Grandstand, Palasyo ng Malacañang.
Samantalang ang mga detectives ay ipakakalat sa mga venue ng okasyon upang tumulong sa pagsiguro upang masupil ang sinumang magtatangkang manabotahe sa papal visit.
Patuloy rin ang paalala ng mga opisyal na, bukod sa mga baril, backpacks ay bawal rin ang magdala ng mga payong, tents, patalim, fireworks, alak at iba pa.
Pinapayuhan naman ang mga magtutungo sa venue na magdala ng mga transparent na bag, kapote, tubig, identification card, first aid kit at mga personal na kagamitan tulad ng cellphone, tuwalya at gamot.