MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maglagay ng roadside courts o hukumang pangkalye para sa mga traffic constable na nasasangkot sa katiwalian tulad ng pangongotong.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, magtatalaga ang ahensiya ng mga abogado at paralegals sa mga kalsada para magbigay ng assistance sa mga complainant.
Limang pangunahing mga lugar ang inisyal na lalagyan ng roadside courts kabilang dito ang Commonwealth at EDSA Avenues sa Quezon City; C5 Road sa Pasig City; Quirino Ave. sa Maynila at Roxas Boulevard sa Pasay City.
Plano ng MMDA na ilagay ang sinasabing mga hukumang kalye sa darating na Pebrero at layunin nito ay para mabawasan ang hearing ng mga kasong nakabinbin sa MMDA dahilan upang tumagal ito at para aniya sa loob ng isang araw ay tapos kaagad ang pagresolba.
Sa pamamagitan aniya ng setup na ito, ang mga reklamo ng motorista ay kaagad na madedesisyunan.
Halimbawa aniya kapag inirereklamo ang isang traffic enforcer ng MMDA ng pangongotong, dedesisyunan at hahatulan kaagad ito ng roadside court ng suspension o pagkasibak.
Maaari ring ireklamo rito yung mga motoristang magbibigay ng lisensiya na may nakaipit na pera, hahatulan kaagad sila sa hukumang pangkalye.