MANILA, Philippines - Tataasan na ng pamahalaang Japan ang bilang ng mga Pinoy nurses at caregivers na kanilang papayagang magtrabaho sa kanilang bansa.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, bukas sa kanya ang pangako ng Japan na kanilang dadagdagan ang pagtanggap o pagha-hire ng mga Filipino nurses at caregivers.
Ang nasabing paniniyak ay inihayag ng Japan matapos ang ginawang courtesy call ni Japanese Ambassador Kazuhide Ishikawa.
“I assure that I will do my best to [so that Japan can] absorb more Filipino nurses and caretakers,” pahayag at pangako ni Ishikawa.
Sinabi ni Ishikawa na kanilang imo-modify ang Japanese nursing licensure examinations upang taasan ang passing rate sa mga Filipino candidates.
Ang pagsusulit na isinasagawa sa mga Pinoy applicants ay ginagawa sa Japanese language na siyang nakikitang dahilan kung bakit maraming Pinoy health workers ang bumabagsak at bigong makapagtrabaho sa Japan.
Sinabi ni Binay na isang malaking oportunidad na ito para sa mga Pinoy nurses at caregivers na makakuha ng trabaho sa Japan.
Base sa rekord nitong Hunyo 2014, ang Japan ang nagsisilbing “top source of development funds” ng Pilipinas, na may Official Development Assistance na nagkakahalaga ng $3 bilyon pagdating sa loan at grants.
May 225,288 Pinoy ang nasa Japan na karamihan sa kanila ay professional at skilled workers gaya ng engineers, professors at entertainers.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration, naitala nitong Disyembre, 2014 na kasalukuyang may 105 Filipino nurses at 222 caregivers sa Japan.