MANILA, Philippines – Tiniyak ng Korte Suprema na maaari pa rin silang maglabas ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng fare increase sa MRT at LRT kahit naka-recess pa ang mga mahistrado.
Ayon kay Supreme Court (SC) public information chief Atty. Theodore Te, depende na lamang kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung agad nitong mahihimay ang apat na petisyon.
Kamakalawa ay dalawang reklamo ang naihain, habang kahapon ay dalawa pang petisyon na inihain ng United Filipino Consumers and Commuters at Bayan Muna partylist.
Sinabi ni Te na kailangan mahimay mabuti ang argumento ng mga nagsampa ng reklamo upang maging pabor sa lahat.
Sa mga nakaraang kaso, agad inaaksyunan ng punong mahistrado ang hiling na TRO kung ang isyu ay may malaking impact sa mga mamamayan.
Nitong Linggo ay nabigla ang publiko sa pagpapatupad ng fare hike na naging dahilan naman ng pagsasampa ng petisyon ng iba’ t ibang sektor.