NBP inmate na nagtangkang manggahasa positibo sa droga-DOJ
MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na positibo sa bawal na gamot ang bilanggo ng New Bilibid Prisons (NBP) na suspek sa attempted rape sa isang 8-taong gulang na batang babae noong Enero 1.
Ayon kay De Lima, ito’y batay na rin sa ulat ni NBP officer-in-charge Supt. Richard Schwarzkopf.
Una nang iniutos ni De Lima na idaan sa drug test ang suspek na si Norvin Domingo, 34, na itinuro ng isang testigo na kasama ng biktima nang pumasok sa banyo ng simbahan ng Maximum Security Compound, kung saan natagpuan ang bata na walang malay at walang underwear.
Miyembro ng Bahala na Gang at kakosa ng ama ng biktima si Domingo na nahatulang makulong ng apat na taon at dalawang buwan hanggang walong taon dahil sa kasong robbery with intimidation.
Paliwanag ni De Lima na ang pagpositibo ni Domingo ay indikasyon lamang na laganap pa rin ang transaksiyon ng droga sa piitan.
Aniya, pinag-aaralan na nila ang kanilang gagawing operasyon at pagsasaayos sa sistema ng piitan upang hindi maipasok ang mga kontrabando.
Bagama’t sinalakay na nila ang mga kulungan ng drug convicts, may natitira pa ring nag-o-operate sa kulungan.
- Latest