57 bahay wasak sa storm surge
MANILA, Philippines - Umaabot sa 57-kabahayan ang napinsala ng storm surge na tumama sa mga kabahayan sa tabing dagat sa Barangay Labuan sa west coast ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni Dr. Elmeir Jade Apolinario, City Disaster Risk Reduction and Management Officer, 40 kabahayan ang tuluyang nawasak habang 17 pa ang nagtamo ng bahagyang pagkasira.
Ayon kay Apolinario, karamihan sa mga nasirang kabahayan ay gawa sa mahihinang uri ng materyales na nakatayo sa tabing dagat na may 36 kilometro ang layo sa kanluran ng Zamboanga City.
Nabatid na abala sa pagsalubong sa Bagong Taon ang mga residente nang magulantang ang mga ito sa pagtama ng dambuhalang alon sa kanilang baybaying barangay.
Kasalukuyang dumaranas ng malalakas na pagbuhos ng ulan bunga ng masamang lagay ng panahon nang biglang tumaas ang alon at humampas sa mga kabahayan sa tabing dagat.
Wala namang iniulat na nasugatan o namatay sa bagama’t nagdulot ito ng matinding pangamba sa mga residente. (Joy Cantos)
- Latest