^

Bansa

Naputukan pumalo na sa 593-DOH

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Umakyat na sa 593 ang biktima ng paputok o fireworks related cases na naitala ng Department of Health (DOH) mula Kapaskuhan hanggang sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Bagama’t hindi pa ito ang pinal na report, sa  pinakahuling tally na inilabas ng DOH, lumilitaw na mula Disyembre 21 hanggang Enero 2 ng alas-6 ng umaga, umakyat na sa 593 katao ang mga nasugatan dahil sa paputok.

Sa nasabing bilang, 580 ang direktang sanhi ng paputok, tatlo ang firework ingestion at 10 naman ang biktima ng stray bullets, na kinabibilangan ng dalawang nangangailangan ng major surgical operation.

Kung ikukumpara ang January 2 tally sa kaparehong panahon ng nakaraang pagsalubong sa Bagong Taon, 393 kaso o 40% na mas mababa ang naitala ngayon at 338 kaso o 36% na mas mababa kumpara sa 5-year-average (2009-2013).

Hindi pa tapos ang pagkumpirma sa bilang ng nasawi kaugnay sa paputok dahil ang Philippine National Police ang mag-aanunsiyo nito sa oras na matapos ang masusing imbestigasyon kung ang isang kaso ay tunay na maiuugnay sa fireworks related injuries, ani  Acting Health Secretary Janette Garin.

Sa 580 katao naman na direktang nasugatan dahil sa paputok, 471 kaso o  81% ang lalaki at nagkaka-edad lamang ng mula anim na buwan hanggang 84-taon.

Karamihan sa mga biktima ay mula sa Metro Manila (313 kaso o 54%) at 119 dito o 38% ay mula sa lungsod ng Maynila.

Ang 465 sa mga kaso o 80% ay nagtamo ng blast injury without amputation, 25 kaso o 4% ang nagtamo ng blast injury with amputation, at 103 o 18% naman ang nagkaroon ng eye injuries.

Nananatiling ang piccolo ang pangunahing dahilan nang pagkasugat ng mga biktima na nakapagtala ng 223 kaso o 38%.

Nabatid na kabilang naman sa mga biktima ng stray bullet, na nagtamo ng seryosong pinsala ay ang isang 13-anyos na babae na residente ng Batasan Hills, Quezon City na tinamaan ng bala sa ulo noong Disyembre 31 bago maghatinggabi sa labas ng isang tahanan sa Tala, Caloocan City.

Ang biktima ay kasalukuyang inuobserbahan sa East Avenue Medical Center matapos na isailalim sa surgical opening ng kanyang bungo upang maalis ang mga namuong dugo doon gayundin ang bala.

Nasa maayos naman umanong kondisyon ang biktima, ayon sa DOH.

Ang ikalawang kaso naman ng “serious stray bullet injuries” ay isang tatlong taong gulang na lalaki mula sa Cotabato City na tinamaan ng bala sa kaliwang mata habang natutulog sa loob ng kanilang tahanan.

Ang biktima ay kasalukuyang nasa Cotabato Regional Medical Center matapos na operahan ang kanyang mata at palitan ng silicon eye replacement. Nasa maayos na rin naman umanong kondisyon ang paslit.

Ang monitoring ng DOH hinggil sa fireworks-related injuries ay magtatagal hanggang sa Enero 5, 2015.

Samantala, nilinaw ng DOH na magkaiba man ang listahan at tally ng mga kaso sa pagitan ng DOH at mga ospital, ito aniya ay dahil hindi pa naman lahat naiuulat sa kanila ang mga nasa listahan ng ospital. (Ludy Bermudo)

 

ACTING HEALTH SECRETARY JANETTE GARIN

BAGONG TAON

BATASAN HILLS

BIKTIMA

CALOOCAN CITY

COTABATO CITY

COTABATO REGIONAL MEDICAL CENTER

KASO

NAMAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with