Welfare homes sa taong-kalye, itatayo
MANILA, Philippines - Dahil sa dumaraming bilang ng mga taong kalye na mga walang sariling tahanan, isinulong ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang panukalang batas na naglalayong magtayo ang gobyerno ng mga welfare homes para sa mga ito.
Sa Senate Bill 2509 na inihain ni Santiago, sinabi na may police power ang lehislatura upang magpasa ng batas at mga ordinansa para sa kapakanan ng mga mamamayan upang maisulong ang kanilang kalusugan, morals, peace, education, good order at maging kaligtasan.
“This power flows from the recognition that salus populi est suprema lex,” ani Santiago.
Sa pagpapatupad ng police power, sinabi ni Santiago na ang gobyerno ay maaaring magpasa ng batas na magbibigay ng kapangyarihan upang pakialaman ang personal liberty, property, lawful businesses, at maging trabaho upang isulong ang kapakanan ng nakararami.
Pero ang pakikialaman umano ay dapat resonable at hindi “arbitrary”.
Naniniwala si Santiago na para sa kapakanan na rin ng mas maraming mamamayan kung magkakaroon ng mga welfare homes sa iba’t ibang panig ng bansa upang maialis sa mga lansangan ang mga walang tirahan na ilalagay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.
“This Act is an exercise of the police power of the State to promote the general welfare, particularly the welfare of destitute members of society, by providing for the establishment of welfare homes throughout the country under the control and supervision of the Secretary of Social Welfare and Development.
Kapag naging ganap na batas, ang panukala ay tatawaging “Destitute Persons Act” kung saan lahat ng mga walang tirahan at mga namamalimos sa lansangan ay ilalagay sa mga welfare homes.
Nais din ni Santiago na patawan ng parusang pagkabilanggo ng hindi lalampas sa anim na buwan ang mga tatakas o hindi babalik sa welfare homes matapos magpaalam at mabigong makabalik. (Malou Escudero)
- Latest