Palasyo sa taumbayan paputok iwasan

Inihahanda ng orthopedic surgeon na si Dr. Cosette Esmeralda Atutubo sa operating room ng Jose Reyes Memorial Medical Center ang mga kagamitang medikal bilang paghahanda sa posibleng pagdagsa ng maraming pasyenteng masusugatan sa tradisyunal na pagsalubong sa Bagong Taon. (Kuha ni EDD GUMBAN)

MANILA, Philippines - Hinimok ng Malacanang ang taumbayan na umiwas sa paggamit ng mapaminsalang papu­tok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sinabi ni PCOO Secretary Herminio Coloma Jr. na mas makakabu­ting salubungin ng taumbayan ang Bagong Taon sa pamamagitan ng paggamit ng torotot kaysa magpaputok upang makaiwas sa disgrasya at kapahamakan.

“Kaisa kami ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH (Department of Health) sa paghimok sa ating mga kababayan na gumamit ng mga alternatibong pamamaraan ng pagdiriwang tulad ng maingay na musika, pagpalo sa kaldero, paggamit ng torotot at maging ang pagdaraos ng kasiyahan sa kalye o street parties sa pagsalubong sa Bagong Taon,” wika pa ni Sec. Coloma sa media briefing kahapon.

Aniya, sa paunang tala ng DOH National Epi­demiology Center, dahil sa pinaigting na kampanyang ‘Iwas Paputok,’ bumaba nang 43 porsyento ang bilang ng mga biktima ng paputok kung ihahambing noong nakaraang taon. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 113 ang naitalang kaso ng firecracker-related injuries na nakalap mula sa iba’t-ibang pagamutan sa buong bansa.

“Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng DILG (Department of Interior and Local Government) at ng pambansang pulisya upang mapigilan ang pagdaragdag ng mga biktima ng paputok at maipamulat sa mga magulang ang panganib na dulot ng mga paputok sa buhay ng kanilang mga anak,” sabi pa ni Coloma.

Sa kasalukuyan nakataas na sa Code White alert (pinakamataas na antas ng alerto ng DOH) ang lahat ng pampublikong pagamutan sa buong bansa upang mabig­yan ng agarang tulong ang lahat ng ating mga kababayang manga­ngailangan ng tulong-medikal sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

 

Show comments