MANILA, Philippines – Maging maingat sa mga dadaluhang event kaugnay ng Papal visit sa Enero.
Ito naman ang paalala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga deboto na maging safety conscious sa mga event na pupuntahan ng Santo Papa sa kanyang pagbisita sa bansa sa Enero 2015.
Ayon kay Father Francis Lucas, executive director ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Communications and Mass Media, na ang mga deboto ay may kakayahang protektahan ang Papa.
Giit ng pari, huwag makipag-agawan sa paglapit sa Santo Papa lalo na ang pagse-selfie dahil maski aniya ang mga pari ay hindi siguradong makakaharap ni Pope Francis.
Sinabi pa ng pari na dapat igalang ang mga fence o cordon na ilalagay ng mga awtoridad, pigilan ang sarili na ‘wag maging emotional at ‘wag maging pasaway.
Inaasahang milyong-milyong deboto ang dadalo sa isasagawang misa sa Rizal Park kaya naman pinayuhan din ng pari ang mga deboto na magdala na lamang ng kapote o sumbrero imbes na payong na pananggalang sakaling umulan upang hindi makatakip sa ibang tao.
Ituring na rin aniya bilang blessing o bahagi ng pagbabasbas kung umulan man sa nabanggit na araw.
Maliban sa Luneta ay kabilang din sa schedule ng Santo Papa ay sa UST at sa Palo, Leyte na bukas sa publiko.