MANILA, Philippines – Simula sa Enero 4, 2015 ay P11.00 na ang minimum fare at madaragdagan ng P1.00 ang pasahe sa bawat kilometro ng biyahe sa MRT-3 at LRT-1 at 2.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma na may basbas ng Malacañang ang ipapatupad na fare hike sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit.
Ayon kay Coloma, makailang beses nang hindi itinuloy ng gobyerno ang fare hike na ito sa LRT at MRT na noong 2013 State of the Nation Address (SONA) pa inihayag ni Pangulong Noynoy Aquino subalit sa tingin ng pamahalaan ay napapanahon na upang ipatupad ang taas pasahe nito.
“Kung tutuusin naman po, kahit ‘yung ating mga kababayan na nakatira sa mga lalawigan sa Visayas o Mindanao na hindi man lamang tumutuntong sa mga tren ng LRT o MRT, kasama po silang pumapasan doon sa malaking subsidiya na tinutustos para diyan,” paliwanag ni Coloma sa Radyo ng Bayan.
Paalala pa ni Coloma, sa P60 na dapat na pasahe sa MRT, P15 lang ang ibinabayad ng mananakay dahil may P45 na subsidiya ang gobyerno. Sa LRT naman, P40 dapat ang pasahe pero may P25 na subsidiya kaya P15 lang din ang bayad ng bawat pasahero.
“Kaya sa kahuli-hulihan po, bawat isang Pilipino ay nagbabayad ng bahagi nitong subsidiya kahit na nga po—katulad ‘nung ating nabanggit kanina—sila ay naninirahan sa Visayas o Mindanao at hindi naman po nila ginagamit nang tuwiran ang serbisyong ito,” dagdag ni Coloma.
Ayon kay Transportation and Communications Sec. Jun Abaya, 2003 pa huling nagtaas ng pasahe sa LRT-1 habang hindi pa kailanman nakapagtaas ng pasahe sa LRT-2 at MRT-3. Katunayan, mula sa P17.00 hanggang P34.00 na pasahe sa MRT noong 1999, kasalukuyan itong nasa P10.00 hanggang P15.00 lang.
Ipinangako naman ni Abaya ang mas maayos na serbisyo sa mga mananakay.