MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ng Malacañang na pinag-aaralan na ang panawagan na mabigyan ng pardon ni Pangulong Aquino ang mga matatanda at mga may sakit na preso sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hinihintay na lamang ang resulta ng ginagawang pag-aaral at maging ang rekomendasyon tungkol sa isyu.
Sinabi ni Lacierda na taun-taon naman ay binibigyan ang Pangulo ng listahan ng mga inirerekomendang mabigyan na ng parole.
“The President always is given a list of recommendees to be pardoned and every year naman po tinitingnan natin ‘yan. So hintayin na lang po natin ‘yung magiging pag-aaral at pagsusuri rito ng ating Chief Presidential Legal Counsel at saka ng Office of the Executive Secretary,” ani Lacierda.
Nauna rito, iginiit ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta kay Pangulong Aquino na mabigyan ng pardon ang ilang elderly at ailing inmates.
Umabot umano sa 47 matatanda at may sakit na preso ang inirekomendang mabigyan ng pardon.
Bagaman at ayaw paasahin ang mga sinasabing matatanda at may sakit na preso, sinabi ni Lacierda na may sarili ring standard ang Pangulo pagdating sa isyu ng pagbibigay ng pardon.