Gobyerno sinisi sa pinugutang OFW
MANILA, Philippines – Kinastigo ng mga kongresista mula sa minorya at mayorya ang gobyerno dahil sa pagkakapugot sa isang OFW sa Saudi Arabia.
Si Carlito Lana, 37, ay pinatawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo sa Saudi dahil sa pagpatay sa isang Saudi national noong 2010 kaya nabulaga ang lahat ng lumabas ang balita sa sinapit nito dahil walang kaalam-alam ang gobyerno.
Ayon kay 1BAP Rep. Silvestre Bello III na malaki ang dapat na ipaliwanag dito ng Labor Department, Department of Foreign Affairs (DFA) at OWWA at lumalabas na mayroong ciminal negligence o criminal oversight dito sa panig ng mga ahensiya ng gobyerno.
Para naman kina Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe at Quezon City Rep. Winston Castelo, dapat matuto na rito ng leksyon ang pamahalaan.
Dapat regular na ilathala ng DFA ang pangalan ng mga OFW na nasa death row sa ibang bansa para nabibigyan ng aksyon bago mahuli ang lahat.
Dagdag naman ni Cibac partylist Rep. Sherwin Tugna, dapat ilaban ng gobyerno na mabigyan ito ng impormasyon sa tamang panahon bago pa ang execution ng parusa sa mga OFW na nasa death row para hindi naagrabyado ang mga ito ng husto.
Nilinaw naman ng Palasyo na hindi pinabayaan ng gobyerno si Lana.
“Ang atin pong pamahalaan ay nagbigay ng lahat ng kinakailangan at kinauukulang pagtulong kay Ginoong Lana at tiniyak po na ang kanyang mga karapatang legal ay iginalang at sinuportahan sa buong prosesong panghukuman o judicial process. Sa pagkawari po ng ating Philippine Embassy, siya ay pinagkalooban ng patas na paglilitis, at ang ating embahada rin po ay kinuha ang serbisyo ng Al Quwaizani law office at mga legal na consultant para katawanin siya sa hukuman at tiyakin na lahat ng kanyang mga karapatan ay iginalang at lahat ng mga prosesong legal ay sinunod,” paliwanag ni Communications Sec. Herminio Coloma.
Bagaman umapela si Pangulong Aquino na sumulat pa kay Saudi King Abdulah, nawala ang tsansa ng gobyerno na mailigtas si Lana sa bitayan dahil tumanggi ang pamilya ng biktima na magbigay ng “affidavit of forgiveness” o “tanazul” kapalit ng pagtanggap ng blood money.
Matapos ang pagpugot ay agad ding inilibing ang mga labi ng Pinoy sa Saudi.
Si Lana na may naiwang 3 anak ay naunang nagpa-convert ng Muslim.
- Latest