‘Bus bombing kinondena ni PNoy Terrorist act’ - AFP
MANILA, Philippines - Kinondena ng Malacañang ang naganap na bus bombing sa Bukidnon kung saan 10 katao ang nasawi karamiha’y mga estudyanteng kasasakay lamang sa harap ng Central Mindanao University.
Inatasan na ni Pangulong Aquino ang PNP at AFP na tugisin ang nasa likod ng nasabing pambobomba sa bus ng Rural Transit Mindanao Inc., (RTMI) na hinihinalang kagagawan ng mga terorista.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP spokesman Restituto Padilla, lahat ng uri ng pambobomba at matitinding karahasan na maraming buhay at ari-ariang napipinsala ay itinuturing na ‘act of terrorism’.
Ayon kay Padilla, lahat ng grupo na may kapabilidad na magsagawa ng terorismo ay iniimbestigahan nilang nasa likod ng insidente.
Kabilang dito ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Jemaah Islamiyah (JI) terrorist at maging mga extortionist gang sa lugar.
Sa nasabing insidente ay 10 katao ang nasawi habang 41 pa ang nasugatan.
Ayon sa pulisya, inilagay sa sako ang improvised explosive device na ginamitan ng 60mm mortar saka iniwan sa baggage compartment ng naturang bus na patungong Cagayan de Oro mula sa Cotabato.
Nabatid na ang BIFF ang gumagamit ng naturang mortar.
Kasabay nito nanawagan naman si Padilla sa mamamayan na makipagtulungan sa mga awtoridad kung may nalalaman ang mga ito sa insidente upang maaresto at mapanagot ang mga salarin.
Ayon naman sa Bukidnon Police, bago ang insidente ay nakatanggap ng extortion demands and nasabing kumpanya ng bus.
Ito na ang ikalawang insidente ng pambobomba sa unit ng nasabing bus company matapos ang naunang insidente noong Nobyembre 6 na kumitil ng apat katao.
- Latest