Ayuda sa sinalanta ni Ruby tiniyak ng Palasyo

MANILA, Philippines - Tiniyak ng Malacañang na agarang mabibigyan ng tulong ang mga lalawigang binayo ng bagyong Ruby.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, mahigpit ang utos ni Pangulong Aquino sa frontline team na madaliin ang pagtaya sa pinsala ng bagyo at pagtukoy sa pangangailangan ng mga naapektuhan.

Siniguro ni Valte na may sapat na imbak na food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nakaantabay na anya ang 53,375 food packs sa national warehouse nito sa Pasay City gayundin sa packing hub ng ahensya sa Cebu.

Binanggit din ni Valte na hindi pa kailangan ang pagpapalabas ng karagdagang pondo dahil sapat pa anya ang Quick Response Fund na inilaan ng gobyerno para sa pangangailangang relief goods sa mga biktima ng bagyo. 

Umabot din sa 1,290 evacution centers ang naitayo ng ahensya para sa higit 300,000 residente, bukod pa sa mga evacuation center na itinayo ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, maging ang CPP-NPA ay nag-utos sa kanilang mga hanay na tumulong sa mga biktima ng bagyong Ruby sa kanilang nasasakupan.

 

Show comments