Suspensyon ng klase sa Albay kinuwestyon ng solons
MANILA, Philippines - Kinuwestyon ng mga kongresista mula sa Bicol ang kautusan ni Albay Governor Joey Salceda nang pagdedeklara ng suspensyon ng lahat ng klase sa eskwela sa buong lalawigan dahil sa Asia Pacific Economic Cooperation informal meeting ngayon Disyembre.
Sinabi nina Rep. Al Francis Bichara (2nd Dist); Rep. Grex Lagman (3rd Dist); Fernando Gonzales (1st Dist); at Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa ginanap na hearing ng House Special Committee on Bicol Recovery and Economic Development maituturing na pag-abuso ang pag sususpindi ng klase ni Salceda sa Disyembre 8 at 9 para lang sa nasabing programa.
Nanindigan din sina Bichara at Lagman na walang kapangyarihan ang Office of the Governor para magsuspinde ng klase base sa darating na Apec Summit meetings dahil hindi naman ito nakakaapekto sa mga eskwelahan sa 1st at 3rd district dahil gaganapin naman ang pagpupulong sa Oriental Hotel sa Legazpi City.
Nabulgar ang isyu ng suspensyon ng klase sa isinagawang hearing ng umanoy premature na pag-uutos ng gobernador para sa evacuation ng mga residente sa paligid ng Mayon Volcano.
Ipinagtanggol naman ni Department of Education Regional Director Ramon Fiel Abcede si Salceda sa nasabing hearing at sinabing mayroon itong kapangyarihan para magsuspinde ng klase na pinalagan naman ni Gonzales.
Kinuwestyon naman ni Gonzales kung saan nakabase ang sinasabi ni Abcede kung isa ba itong memorandum circular, naipasang batas ng kongreso, o executive order ang pinagbabasehan ng kautusan ni Salceda.(Gemma Garcia)
- Latest