MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng mula anim hanggang sampung taon si dating Baganga, Davao Oriental Mayor Gerry Morales matapos mapatunayang lumabag ito sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) dahil sa maanomalyang pagbili ng auto spare parts.
Kasama ni Morales sa naparusahan ng batas na sinasabing kakutsaba ng una sina Municipal Engineer Roseller Macayra, Municipal Accountant Emeritos Jovilla at Municipal Treasurer Francisco Jimenez, Jr.
Sa desisyon ng anti-graft court, sinasabing ilang procurement violations ang naisagawa ng naturang mga opisyal sa pagbili ng 10 piraso ng exterior tires noong October 2002 mula sa isang Donald Villademosa, may ari ng Villtrade Marketing.
Nang busisiin ng Commission on Audit (COA) ang bagay na ito, nalaman na ang abstract of canvass para dito ay hindi naisangguni sa Committee on Awards at ang Purchase Order para sa pagbili ng auto parts ay hindi nakalaan para dito.
Nadiskubre din ng COA na ang Villtrade Marketing ay hindi dealer ng auto spare parts at peke ang delivery receipts at official receipts mula sa Villtrade at hindi rin para sa pagbili ng spare parts ang Inspection at Acceptance Report dito at hindi rin nai-deliver ang sinasabing mga biniling spare parts.
Bukod sa kulong, hindi na rin pinapayagan pa ang mga akusado na makapagtrabaho sa gobyerno at pinababalik sa gobyerno ang halagang P101,086.37 na sinasabing pinambili ng spare parts.
Inutos din ng Sandiganbayan ang pagpapalabas ng warrants of arrest laban sa Canvass at OIC-General Services Officer Reymundo Escamillan at Donald Villademosa na kakutsaba sa anomalya na pawang nakakalaya hanggang sa ngayon. (Angie dela Cruz)