NBP officials, drug lords nagsasabwatan - DOJ

MANILA, Philippines – Nagkukutsabahan ang ilang mga opisyal ng  New Bilibid Prison (NBP) at mga drug lords kaya nagpapatuloy ang operasyon ng iligal na droga sa loob ng piitan.

Ito ang binigyan diin ni Justice Secretary Leila de Lima kaya malalakas ang loob ng mga drug lord na maglabas-masok ng kanilang mga kontrabando.

Sabi ni de Lima tukoy na nila ang drug lords na patuloy na namamayagpag sa loob ng NBP matapos nilang matanggap ang mga report hinggil sa illegal drug operations.

Bagama’t iilan lamang ang sangkot mas pinipili na lamang ng iba pang mga empleyado ang manahimik dahil na rin sa takot at kanilang kaligtasan.

Paliwanag ni de Lima, nagagawa ng mga drug lord ang kanilang operasyon dahil na rin sa pagkakaroon ng access na makagamit ng cellphones.

Aniya, ito ang matagal nang hindi nasusugpo samantalang alam naman ng Bureau of Corrections na bawal ang pagpapasok ng cellphones kahit pa mga empleyado. Tila wala ring silbi ang mga jammer na dapat na nagba-block ng mga telecommunications.

Nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at PNP.

Una nang nakasabat ang DOJ ng 100 gramo ng shabu sa ginawang raid kaya nakatatanggap na rin ng death threats sina de Lima at BuCor Director Franklin Bucayu.

Show comments