MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang disqualification case laban kay Laguna Gov. Emilio Ramon “ER” Ejercito bilang gobernador ng Laguna.
Sa inilabas na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) 1st Division noong Sept 26, 2013, pinabababa si Ejercito sa pwesto dahil sa overspending sa pangangampanya noong May 2013 elections.
Pero noong Mayo 23, 2014 ay hiniling ng gobernador sa SC na pigilan ang implementasyon ng Comelec ruling.
Sa kabila ng pending petition sa korte, itinuloy ng poll body ang pagtatalaga kay Vice Gov. Ramil Hernandez bilang pansamantalang gobernador.
Pinaboran ng 12 mahistrado ang Comelec resolution habang wala namang pumanig sa kahilingan ni Ejercito.
Ang petition for disqualification ay inihain ni Edgar San Luis.
Lumabas sa imbestigasyon ng Comelec na gumastos si Ejercito ng P6 milyon noong nakaraang halalan gayung hanggang P4.5 milyon lamang ang pinapayagan ng Comelec.