Villar nais protektahan ang credit card holders vs mataas na interest

MANILA, Philippines - Madalas nagugulat ang mga may-ari ng credit card dahil sa laki ng kanilang utang sa bangko. Kadalasan, mas malaki pa ang interes at multa kaysa sa halaga ng kanilang inutang.

Para ayusin ang isyu na ito, nagpasa ng panukala si Las Piñas Rep. Mark A. Villar na magpapataw ng maximum rate para sa interes, multa, at iba pang singil ng mga bangko sa credit card.

“Ang mga binabayaran na interes at multa ay kadalasan mas malaki pa sa totoong halaga na inutang ng mga credit card holders,” sabi ni Villar. Sinabi rin niya na ito ang dahilan kung bakit baon sa utang ang karamihan sa may credit card, kahit na nabayaran na nila ang halaga ng kanilang inutang. Para kay Congressman Villar, ito ay hindi makatarungan.

Nakalagay sa panukala na ang interes sa credit card ay hindi tataas sa 1% bawat buwan, or 12% bawat taon. Ang ceiling rate naman sa multa at surcharge ay 1% kada buwan. Pinagbabawal ng panukala ang tinatawag na “compounding”, o ang pagpapatong ng interes at multa sa halaga ng interes at multa na hindi pa nababayaran. Bawal rin ang magpataw ng iba pang bayarin maliban sa interes, multa at surcharge.

Sa explanatory note ng panukala, sinasabing ang Pilipinas ay mayroong mataas na interes sa credit card kung ikukumpara sa ibang bansa. Sinasabi rin sa panukala na umaabot ng 24-60% ang interes na binabayaran ng mga tao, dahil hindi ipinagbabawal ng kasalukuyang batas ang pagpataw ng matataas ng interes.

 

Show comments