MANILA, Philippines – Nagsagawa na kahapon ng inspeksiyon sina Senators Aquilino “Koko” Pimentel at Antonio Trillanes IV sa kontrobersiyal na Makati Science High School na kabilang umano sa mga overpriced na gusali na ipinatayo ni Vice President Jejomar Binay.
Sa isang press conference matapos ang inspeksiyon, nilinaw ni Pimentel na hindi sila magkokomento tungkol sa overpricing dahil hindi agad masasagot ng ocular inspection ang isyu.
Kabilang sa sumama sa inspeksiyon ang principal ng paaralan na si Evangelina Apolinario maging ang building engineer.
Ayon kay Pimentel, umabot na sa P1.3 bilyon ang nagastos sa pagpapatayo ng 10 palapag na gusali bagaman at hindi pa ito tapos dahil ginagawa pa ang tatlong pinakamataas na palapag.
Maging ang dormitoryo ng building na puwedeng magamit ng nasa 240 estudyante na nasa ika-walong palapag ay ininspeksiyon din ng grupo.
Sinabi ni Pimentel na titingnan pa nila ang pinal na gastos ng buong building bago ito masabing overpriced.
Matatandaan na inihayag ni Atty. Renato Bondal, isa sa mga kritiko ni Binay na ang nasabing building na nagkakahalaga ng P1.33 bilyon ay overpriced ng nasa P862 milyon.
Umaabot sa 18,373 square meter ang kabuuan ng gusali na umano’y nagkakahalaga ng P72,500 per square meter pero dapat ay nasa P25,620 per sqm. lamang ito.