MANILA, Philippines – Nasa lungsod ng Makati umano ang pinakamahal na gusali ng paaralan sa buong bansa, ayon sa isang abogado ngayong Huwebes.
Sinabi ni Renato Bondal sa muli niyang pagharap sa Senado na nagkakahalaga ang pinakabagong gusali ng Makati City Science High School ng P862 milyon, mas mataas ng 283 porsiyento sa totoong halaga dapat nito.
"Ito pong high school building na ito ang pinakamahal na school building sa buong Pilipinas," wika ni Bondal sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-committee sa mga umano'y pangungurakot ng pamilya Binay.
"Three times ang bukol ng mga Binay sa building na ito.”
Ayon pa sa abogado na P72,500 ang presyo ng kada metro kwadrado ng gusali na may lawak na 18,373 metro kwadrado, mas mataas sa presyuhan sa industriya na P25,620.
Dagdag niya na nagkakahalaga ng P24.6 milyon ang bawat silid-aralan ng gusaling may 10 palapag at 554 na classrooms.
Isiniwalat pa ni Bondal na iginawad ng pamahalaang lokal ng lungsod sa Hilmarc's Construction Corp., ang kontrata noong 2007 nang si Binay pa ang nakaupong alkalde.
Ang naturang kompanya rin ang humawak ng umano'y overpriced na Makati City Hall parking building II.
“Kasama po yan ng Makati parking building. Sabay po i-binidding 'yan, parehong mga contractor. So kaya sinasabi ko e bidding-biddingan lang iyan at niluto namin iyan," banggit ng dating pinuno ng Makati City government general service department na si Mario Hechanova.
Bukod sa umano'y overpriced na gusali, nawawala naman ang apat na dormitoryo na pinondohan din.
Iginiit ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinabato sa kanyang akusasyon na aniya'y paninira lamang para sa kanyang kandidatura sa 2016.