MANILA, Philippines – Balik-bahay na ang libu-libong residenteng nagsilikas mula sa idineklarang extended Permanent Danger Zone (PDZ) bunga ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano sa lalawigan ng Albay.
Sinabi ni Major Emmanuel Garcia, hepe ng 7th Civil Relations Group (CRG) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), umpisa nitong Martes ay binigyan na ng go signal ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction Management Center (PDRRMC) ang mga evacuees sa idineklarang 7-8 extended PDZ na magbalikan na sa kanilang tahanan.
“Ang mga nakatira sa loob ng 6 km PDZ ay mananatili pa rin sa evacuation center at pag-aaralan pa ang pagpapauwi sa kanila,” pahayag ni Garcia.
Nilinaw naman ng Phivolcs na bagama’t pinabalik na ang ilang mga evacuees, hindi nangangahulugan na wala na ang banta ng pagsabog ng bulkan na ngayon ay nananatili pa rin sa alert level 3.