Labi ni Flavier dinala sa DOH
MANILA, Philippines – Dinala kahapon sa Department of Health (DOH) compound ang labi ni dating Health Secretary at Sen. Juan Flavier kung saan isinagawa ang necrological service bago ang cremation.
Ramdam kahapon ang hinagpis at kalungkutan ng mga empleyado nang salubungin ang labi ng dating kalihim at senador kasama ang maybahay na si Alma Suana, mga anak at apo nito.
Si Flavier ay nasawi dahil sa multi-organ failure at sepsis noong Oktubre 30 sa National Kidney Transplant Institute dahil na rin sa komplikasyon sa pneumonia.
Si Flavier ang nagpasikat ng programang “Yosi Kadiri” at “Let’s DOH it” gayundin ang Oplan Alis Disease at Doctors to the Barrio.
Itinalaga si Flavier bilang kalihim ng DOH noong 1993 sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos at nahalal na senador ng dalawang beses noong 1995 at 2001.
Magdaraos naman ng isang necrological service ang Senado para kay Flavier sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre 17.
Ayon kay Senate Secretary Oscar Yabes, hihintayin ng mga senador ang labi ni Flavier sa alas-9:30 ng umaga sa main entrance ng Senate building. Dadalhin ang urn na naglalaman ng abo ni Flavier sa session hall.
- Latest