Pagpapalibing sa mag-iinang natupok sa sunog, sinagot ng Manila City government

MANILA, Philippines - Sinagot ng city government ng Maynila ang pagpapalibing sa Manila North Cemetery (MNC) sa mag-iinang natusta sa sunog na tumagal ng  dalawang araw sa Binondo, Maynila.

 Ayon kay MNC  Administrator Daniel Tan,  inaasikaso na nila ang paglilibingan kina Mary Grace Sudiam, 40 at mga anak na sina Peter Gerardo Sudiam Jr., 5; Gerald Mark Sudiam, 3 at Geraldine Sudiam, 1. Sinabi ni Tan na  inabiso na sa kanila ni  Manila 2nd District Councilor Rolando Valeriano  ang  pag-aasikaso sa pagpapalibing sa mag-iina na natupok matapos na sumiklab ang apoy dakong alas - 10:56 ng gabi noong Sabado na apula lamang noong Linggo sa panulukan ng Muelle dela Industria at Valderama Sts., Binondo,Maynila.

Nabatid na  hindi na makilala pa ang bangkay ng mga biktima nang matagpuan ng mga awtoridad. Inaalam naman  ang bilang mga nasunugan upang mabigyan ng   financial assistance na kanilang magagamit bilang panimula. Tiniyak  ng city government ang lahat ng tulong na kakailanganin sa mga  nasunugan. Samantala, nagpasalamat naman si Gerardo Sudiam, Sr., sa buhos ng tulong sa kanya. Aniya, nagsisisi siya at hindi niya nagawang   iligtas ang kanyang  mag-iina.

 

Show comments