Manila North Cemetery handa na sa Undas
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila North Cemetery Administrator Daniel Tan na handa na ang pamunuan ng sementeryo maging ang kanyang mga tauhan sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa mga dadalaw ngayong November 1 at 2.
Ayon kay Tan, October 29 ang huling paglilibing, cremation at pagpapasok ng mga sasakyan sa loob ng sementeryo at wala ng papapasuking sasakyan simula October 30 hanggang Nov. 2 upang maiwasan ang masikip na daloy ng sasakyan.
Pinayuhan ni Tan ang mga dalaw na huwag nang magdala ng mga matatalas na gamit, nakalalasing na inumin at maiingay na radio dahil kukumpiskahin lamang ito sa gate pa lamang ng MNC.
Mas dapat umanong bigyan ng oras ang pagdarasal sa kaluluwa.
May mga nakaantabay ding security mula sa Manila Police District, Manila Traffic and Parking Bureau, City Security Force at maging sa Metropolitan Manila Development Authority
Sinabi ni Tan na oobligahin din nila ang lahat ng mga dadalaw at maging ang mga magtitinda na maglagay ng sapat na basurahan upang maiwasan ang kalat at pagdudumi ng lugar.
Dalawang bagong CR din ng babae at lalaki ang itinayo sa main avenue para sa mga dadalaw kaya hindi na magtatayo ng mga portalet sa loob. (Doris Borja)
- Latest