CBCP nag-feeding program sa mga walang dalaw na preso sa Bilibid

MANILA, Philippines - Nagdaos ng feeding program sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) at Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City ang mga opisyal ng Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care (ECPPC) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kahapon.

Kasama ng CBCP sa kanilang pagdalaw at pagpapakain ang aktres na si Cherry Pie Picache, Coco Martin, ilang movie/TV director at negosyante.

Sinabi ni CBCP-ECPPC executive secretary Bro. Rudy Diamante na ang kanilang programa ay para makatulong sa kapakanan ng mga preso partikular sa mga walang kaanak na dumadalaw (visitorless), indigents, may mga sakit at matatanda at mga estudyanteng preso, na nagpapatuloy ng kanilang high school, kolehiyo at mga kumukuha ng short courses sa ilalim ng programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Umaabot sa 500 ang itinuturing na visitorless, indigent, sick and old (VISO) inmates habang nasa 150 naman ang student pri­soners

Bukod pa rito, nasa 300 VISO inmates sa Correctional Institution for Women ng Bureau of Corrections naman ang pinakain din.

Panawagan ni Diamante, bigyang pansin ng pamahalaan na mapabuti ang kalagayan ng mga preso. (Ludy Bermudo)

 

Show comments