MANILA, Philippines - Dapat obligahin ang mga pribado at pampublikong gusali, eskuwelahan, shopping mall at iba pang establisimiyentong komersiyal na maglaan ng paradahan o espasyo para sa mga bisikleta para mahikayat ang mas marami pang tao na gumamit ng bisikleta sa araw-araw nilang pagbibiyahe.
Ito ang ipinapanukala ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles na nagpahayag ng pagkabahala sa dumaraming reklamo hinggil sa pagtanggi ng ilang establisimiyento na payagang pumarada sa kanilang lugar ang mga bisikleta o maglaan ng paradahan o taguan para sa mga ito.
Dapat anyang magtulungan ang pribado at pampublikong sektor sa paglutas sa problema ng trapiko sa Metro Manila at iba pang lunsod sa bansa at bawasan ang carbon gas emission sa pamamagitan ng paglikha ng kapaligirang pabor sa mga bisikleta.
“Nagiging popular na sasakyan ang bisikleta sa hanay ng mga ordinaryong manggagawa, office executivem estudyante at iba pa pero nakakadismaya na pinapaalis sila ng mga guwardiya pag nakitang meron silang dalang bisikleta at walang paradahan para sa bisikleta,” sabi ni Nograles.
Ang pagtratong ito sa mga gumagamit ng bisikleta ay nagpapakita lang anya ng kamangmangan at kawalang-malasakit ng maraming tao sa pakinabang na makukuha sa bisikleta ng kapaligiran at sa ambag nito sa pagsisikap ng pamahalaan na maibsan ang araw-araw na pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kalakhang Maynila.
Pinuna pa ng kongresista na, sa nangyayaring mga sira sa rail transit system sa bansa at araw-araw na trapik, marami nang tao ang gumagamit ng bisikleta sa pagpunta sa kanilang mga destinasyon.
“May alam akong ilang duktor, dentista, abogado at big-time executive na gumagamit ngayon ng bisikleta sa pagpasok sa trabaho. Nagiging mabilis na kalakaran ito ngayon pero baka malaos kung wala itong tamang imprastruktura at tamang suporta,” dagdag niya.
Hindi tulad ng mga kotse at motorsiklo, napakaliit na espasyo lang ang kailangan ng bisikleta kaya hindi mahirap paglaanan ito ng paradahan o taguan.
“Meron ngang bisikleta na natutupi at naisisilid sa isang bag. Dapat tratuhin ang mga bisikletang ito bilang bagahe na madadala kahit saan sa loob ng isang gusali o commercial establishment,” ani Nograles.