MANILA, Philippines — Nilinaw ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila ngayong Miyerkules na nasa ilalim pa rin ng kanilang kustodiya ang US marine na suspek sa pagpatay sa Filipino transgender sa kabila ng pagdala sa kanya sa Camp Aguinaldo.
"In accordance with the US-Philippines Visiting Forces Agreement (VFA), the United States has a right to retain custody of a suspect from the commission of the alleged offense until completion of all judicial proceedings," pahayag ng embahada.
Hindi pinangalanan ng embahada ang sundalong Amerikano na dinala kaninang umaga sa Camp Aguinaldo na itinuturong suspek sa pagpatay kay Jeffrey "Jennifer" Laude nitong Oktubre 11 sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Olongapo City.
Samantala si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang mismo ang nagkumpirma na dumating si Pemberton ganap na 8:45 ng umaga sa Camp Aguinaldo sakay ng isang helicopter mula sa USS Peleliu na nakadaong sa Subic bay freeport.
"He will be detained at the Mutual Defense Board-Security Engagement Board Facility inside this camp while the preliminary investigation is being conducted," ani Catapang.
Mamamalagi sa loob ng isang 20-talampakang container van si Pemberton na mayroong military type cot-bed at air-conditioning system.
Nakabantay sa kulungan ang US Marine Custodial Unit, habang sa paligid nakabantay ang mga militar.