‘No to coal plant’ sa Palawan tuloy
MANILA, Philippines - Tuloy pa din ang pagkilos ng mga Palawenos laban sa planong pagtatayo ng ‘coal plant’ sa Palawan kahit binawian ng buhay ang isang environmentalist na nanguna sa pakikipaglaban laban sa coal plant sa Puerto Princesa City.
Binawian ng buhay ang 50-anyos na environmental activist na si Edgardo Garcellano na nakatakdang ilibing ngayon.
Ayon sa kapatid ni Garcellano na si Fe Amy, kahit sa huling hininga nito ay ibinilin na huwag papayagang makapagtayo ng coal power plant sa Palawan.
Isang placard na “No to Coal Plant in Palawan” ang nasa ibabaw mismo ng kabaong ni Ed upang ipaalala sa mga Palawenos ang sinimulan nitong pakikibaka.
Aniya, gumawa pa ng tula ang kanyang kapatid upang maalala ng mga Palawenos ang kanyang sinimulang pakikibaka upang tutulan ang planong pagtatayo ng coal-fired power plant sa kanilang lalawigan.
Naniniwala naman ang isang kapatid ni Ed na si Anna, professor sa Palawan State University, na hindi matatapos sa pagkamatay ng kanyang kapatid ang pakikibaka ng Palawenos laban sa planong pagtatayo ng coal-fired power plant sa kanilang lalawigan.
Inaasahang magsisilbing inspirasyon naman ng uusbong na aktibista, manunula at social reformer ang sinimulan ni Ed upang huwag payagang masira ang Palawan dahil sa pagtatayo ng coal power plant, ayon naman kay Cynthia Sumagaysay.
Nasawi si Ed noong Oct. 12 na natapat pa sa kaarawan ng kanyang matalik na kaibigang si dating Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn. Siniguro naman ni Rep. Douglas Hagedorn, miyembro ng house committee on environment, na isusulong niya sa Kamara na magsagawa ng mas maraming konsultasyon kaugnay sa nakaambang power crisis sa pamamagitan ng pagtatayo ng eco-friendly solution.
Umapela naman si Tomas Kutat, pangulo ng Save Aborlan From Evils (SAFE), kay Pangulong Benigno Aquino III na huwag nitong payagan na makapagtayo ng coal-fired power plant sa Palawan.
- Latest