MANILA, Philippines – Binanatan ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang umano’y pakikisawsaw ng Department of Justice (DOJ) sa imbestigasyon ng Senado kay Vice Pres. Jejomar Binay.
Sabi ni Tiangco, hindi pa nakapaglalabas ng resulta ng imbestigasyon ang DOJ sa mga kontrobersiyal na kaso ng PDAF, DAP, MRT extortions at paggamit sa Malampaya funds pero heto at makikisawsaw na naman sa Senado.
“Anong nangyari sa affidavit ni Czech Amb. Josef Rychtar na hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas ng NBI? Anong nangyari sa affidavit at listahan ni Napoles na sangkot ang 18 senador at mahigit 100 congressman? Anong nangyari sa imbestigasyon sa Malampaya Fund scam na halos puro politiko ng LP ang nakinabang? What made her switch priorities and put so much interest in the Makati probe?” tanong ni Tiangco.
Kaduda-duda rin umano ang pananahimik ni Justice Secretary Leila de Lima sa mga naunang kasong iniimbestigahan dahil sa posibilidad na madawit ang ilang miyembro ng Liberal Party (LP).
“De Lima’s double standard brand of justice has eroded her credibility as justice secretary,” sabi pa ni Tiangco.
Kinukumpirma lamang anya ang mga naunang ulat na ang LP MAD (Mar, Abad, Drilon) ang nasa likod ng demolition job laban kay Binay.
Tahasang sinabi ni Tiangco na labag sa prinsipyo ng “separation of powers” ang manhunt order ni de Lima sa mga ahente ng NBI laban sa mga personalidad na inisyuhan ng subpoena ng Senado.
Ang tanging dapat na mag-isyu ng subpoena ng Senado ay ang Seargeant-at-arms nito at ito rin aniya ang awtorisadong mag-serve ng pag-aresto kapag nagkaroon ng contempt.
Dagdag pa ni Tiangco na kung si Mr. Gerry Limlingan ay sinilbihan ng subpoena ng NBI ay maituturing itong invalid service dahil panghihimasok umano ito ng ehekutibo sa gampanin ng lehislatibo.