4 na lugar sa Albay inalerto ng PAGASA
MANILA, Philippines – Inalerto ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) ang mamamayan ng apat na lugar sa Albay Bicol.
Ito, ayon sa PAGASA, ay dulot ng inaasahang pag-ulan ng abo (ash fall) mula sa bunganga ng bulkan sa susunod na 24 oras.
Ang mga lugar na binalaan sa ash fall ay ang Ligao, Oas, Polangui at Libon sa Albay. Ang pagluwa ng abo sa bulkan ay bahagi pa rin ng inaasahang pagsabog nito.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala naman ang Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa bulkang Mayon ng apat na volcanic quakes at mga pagbagsak ng bato mula sa naturang bulkan
Nananatili namang nasa alert level 3 ang bulkan at walang sinumang pinahihintulutang makalapit sa may 6 kilometrong danger zone sa paligid ng Mayon. May 12,000 pamilya ang apektado ng pag aalboroto ng naturang bulkan.
Samantala, umabot na sa mahigit P55 milyon ang naitulong ng national government sa probinsiya ng Albay sa pamamagitan ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno simula nang magkaroon ng banta sa pagputok ng bulkang Mayon.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, simula nang magsagawa ng evacuation sa mga residenteng maaapektuhan ng pagsabog, nagsimula na ring tumulong ang national government.
Patuloy pa rin aniya ang pagmo-monitor sa sitwasyon at pagbibigay ng tulong sa mga residente.
- Latest